March 29, 2012. Isa sa mga petsa na hindi ko makakalimutan sa buong talambuhay ko bilang guro. Ang araw kung saan nagsipagtapos ang unang batch ng mga magaaral sa La Verdad Chistian College Caloocan. Parang kailan lang nung nagpapasimula ang La Verdad Caloocan. Awa ng Dios, mayroon nang mga graduates ang paaralan. Gaya ng mga nagsisipagtapos na inaalala ang masasaya at ilang malulungkot na karanasan nila nung magpasimula silang mag-aral sa kolehiyong ito, hindi ko rin maiwasan na alalahanin ang pagpapasimula ko sa paaralang ito.
Noong nalaman ko na magbubukas ng La Verdad sa Caloocan, agad kong kinontak si Kuya Gary, isa sa mga guro ng La Verdad Apalit. Nagsabi ako sa kanya na gusto ko makapagturo sa bubuksan na bagong branch sa Caloocan, pero Tuesday at Thursday lang ako makakapagturo gawa ng nagtuturo pa ako noon sa isang public school. Pinagsubmit niya ako ng resume. Pero matapos yun, hindi ko na nagawang magfollow up dahil naging busy na rin ako sa pinapasukan kong trabaho.
April 2010, nagcocomputer at nagfefacebook ako sa bahay noong nakatanggap ako ng tawag mula kay Ate Ruth.
Ako: Hello po?
Ate: Shie, pwede ka na bang maging administrator ng school?
Narinig ko naman ang tanong niya pero hindi ako sigurado sa tinanong niya. Kaya nagtanong ulit ako.
Ako: ano po yun te?
Ate: Ano ba ang requirements para maging administrator ng school?
Ako: Ah, ano po, dapat po may Masteral.
Ate: ah, ano dapat ang Masters?
Ako: Educ Management po. Pero pwede naman po kahit ano. Pero mas maganda po kung Educ Management.
Ate: ah, may masters ka na ba?
Ako: Po? Hehe, on going pa lang po. Pero di po ako enrolled ngayon te eh.
Ate: kelan ka matatapos?
Ako: matagal pa po, nakaka 18 units pa lang po ako.
Ate: ah, sige sige. Kelangan ng administratror sa bubuksang La Verdad sa caloocan. Gumawa ka ng structure ng admin ha. Kung sino-sino at anong mga posisyon ang kailangan mo. Gawa ka ka na ngayon, ipapasa ko kay kuya.
Ako: (tulala) po? Ah sige po..
Right after nun, itinigil ko muna ang pagfe Face Book. Di ko maintindihan ang nararamdaman ko. Sobrang saya na naiiyak. Ang tangi ko lang talagang nasabi noon ay "salamat sa Dios". Agad kong ginawa yung admin structure. Habang ginagawa ko, bumubulong ako ng "Panginoon, di ko po kaya ito. Ikaw na po ng bahala." Awa ng Dios, walang isang oras ay nagawa ko yung structure. Napabuntong hininga ako at nagsabi ng, " hay salamat sa Dios." Sinend ko agad kay ate. Nananalangin ako na sana ok lang yung sinend ko.
After ilang araw, pinatawag na ako sa UNTV para sa meeting with LVCC Apalit. Dun na pinagusapan yung patungkol sa interview, enrolment, application sa TESDA, etc. na ang Caloocan na ang hahawak. After ng meeting, isinama ako ni ate sa pagtingin ng mga ilaw na kailangan sa school na noon ay ginagawa pa lang. Nagsabi siya na asikasuhin ko na daw yung application sa TESDA, magpasa na daw ako ng letter. Nagtapat na ako sa kanya. Sabi ko, "ate, hindi ko pa po ata kaya na maging administrator. Parang masyado pa po akong bata. Baka hindi ako paniwalaan." Nakita ko na napatigil siya saglit at nagisip. Sinabi niya, "sige, ako muna ang administrator. Ang ilagay mo sa letter, deputy administrator ka." Parang nabunutan ako ng tinik dahil alam kong andiyan naman si ate. Pero parang hindi nabawasan yung kaba ko kasi alam kong halos ganun pa rin ang trabaho ko. Pero salamat pa rin sa Dios dahil ramdam ko ang pagsaklolo Niya sa panahong kailangan ko ng tulong Niya.
Dahil sa dami ng obligasyon at dapat harapin sa pagpapasimula ng school, kinakailangan ng mga makakasama. Isang araw ng pasalamat, kahit na nakikinig ako ng paksa, hindi ko pa rin maiwasan na maglaro sa isip ko kung sino ang mga taong makakatulong sa school. Lagi lang nasasabi ko na "Panginoon, bahala ka na po. Kailangan ko po ng makakasama. Di ko po kaya ito magisa". Nagtext ako sa mga kasama sa PNU. Salamat sa Dios, nagreply sina Bro. Meno (na nauna kong nakasama sa pagiinterview at nagbuhat ng 2 box ng application forms mula untv papuntang caloocan tapos papuntang paranaque dahil wala pang office ang la verdad nun), bro joms at iba pang mga kasama sa PNU. Nung break time naman nakita ko si Bro. Tykes. Tinanong ko siya kung may kilala siya na MassCom grad na gusto magturo sa La Verdad. Yun pala Masscom grad siya. Tapos kung pwede rin daw si Sis. Rissa. Maya maya lang, dumaan naman si Jeck. Saka ko naalala na nurse nga pala siya. Gusto rin daw niya magturo. Si Bro Pong naman na nasa Palawan, nagtext nun. May kilala daw ba ako sa La Verdad Apalit. Gusto niya daw kasi magturo. Nagannounce kasi si Sis Luz nun na hiring ang La Verdad Apalit. Sabi ko sa Caloocan na lang siya. Awa ng Dios, nagOK siya. Lunch break naman nung tinawagan ako ni bro albert kasi may mga nagsubmit pa raw ng resume. Dun ko naman nakita ang resume ni sis kat. Maging yung ibang mga kasama ngayon, karamihan sa kanila ay nakasalubong ko lang. Awa ng Dios, bago matapos ang araw na yun ay halos nakumpleto na yung line-up ng mg magtuturo sa La Verdad. Parang ang swabe lang lahat. Dumarating na lang yung mga taong kailangan para makumpleto yung mga kailangan na instructors. Nakakatuwa sobra. Salamat talaga sa Dios.
Naniniwala akong lubos na paggawa ng Dios lahat lahat ng mga bagay na iyon. Naramdaman ko na napaka smooth lahat ng bagay, kusa na lang silang dumarating sa panahong kailangan. Pero may mga pagkakataon rin na hindi ganun kadali, na kung minsan ay naiiyak na ako sa hirap na parang gusto ko na sumuko. Maging yung pagpili lang kung magreresign ako sa dati kong trabaho upang makapag focus sa La Verdad ay mahirap para sa akin na panganay at gustong makatulong sa magulang. Pero naalala ko, hindi naman tayo pababayaan ng Dios. At mas lalo kong napatunayan ang kabutihan ng Dios. Hindi Niya pinabayaan ang pamilya ko hanggang ngayon. Hindi rin naman tayo bibigyan ng hindi natin kaya. Sa mga panahong kailangan natin ng tulong, palaging nandiyan Siya. Salamat sa Dios dahil after one year, sa panahong nangangailangan na talaga ako ng tulong lalo na sa pagaapply sa TESDA at CHED ay timely naman ang pagdating ni Mam Johna.
Masarap sa pakiramdam yung pagkatapos ng ilang taon na pagtuturo, kahit na alam mong ikaw mismo sa sarili mo ay nangangailangan pa ring pag-aralan ang mga ituturo mo, ay makikita mo isang araw ang mga mag-aaral mo na nakasuot ng kanilang toga at magsisipagtapos. Masaya rin sa pakiramdam yung alam mong may mga kasama ka na nagsisikap rin na maturuan ang mga estudyante sa kabila ng kaunting taon lang naman ang agwat sa kanila. At higit sa lahat, bagama't hindi maiiwasan na mayroon talagang mga pagsubok, hirap ng kalooban, mas nakakahigit pa rin yung saya sa kalooban yung na sa kabila ng mga pagkakamaling nagawa ko noong nakaraan ay nabigyan pa rin ako ng pagkakataon na makabahagi sa gawain Niya at makatulong sa maliit na paraan sa ating mga mangangaral, kina Bro. Eli at Bro. Daniel. Sa lahat ng mga bagay na ito, wala na talaga akong ibang masasabi pa kundi salamat sa Dios. To God be the Glory!