What is ChalkNot?

Thursday, October 31, 2013

Another Taxi Story: An Encounter with Echoserong Driver

Sa isang kagaya kong commuter, madalas ay mayroong kwentong nabubuo sa pagbibyahe. Gaya na lang ng naisulat kong article dati na "A Taxi Story".

Iba-iba ang tema ng kwentong nabubuo sa pagcocommute ko. Minsan comedy. Minsan nakakainis. Minsan naman, medyo creepy. At meron naman parang ewan lang. Gaya nitong experience ko na isinulat ko.

Note: Medyo mahaba-haba ito kaya ihanda na ang inyong mahabang pasensya.

Galing ako sa duty ko sa far north. Gaya ng dati, hindi na ako nakaabot sa LRT at MRT kaya minabuti ko nang sumakay ng taxi papuntang Lawton.

Kahit sa pagpili ng taxi ay pihikan ako. I don't settle for less. Kaya naman nang nakatyempo ako magandang klase ng taxi ay agad kong pinara.

Observant din ako kapag sumasakay rin ako ng taxi. Tinignan ko yung driver, mukhang matino naman. Maganda naman yung taxi na nasakyan ko. Bagong modelo yung sasakyan, Vios yata kung tama ang pagkakatanda ko. Diesel ata ang gasolina kaya hindi nangangamoy LPG sa loob. Mabago din ang loob ng sasakyan. Maganda rin ang sounds ni manong driver.

"Lawton lang po 'ma".

Normal na sa akin yung tinatanong ng driver kapag nasa taxi. Naiintindihan ko ang kalagayan nila. Minsan kelangan nilang makipagchikahan para magising. Kailangan ko rin maging friendly sa kanila. Hindi pwedeng magtaray,mahirap na. Pero kapag nagtatanong yung mga drivers, hindi lahat ng sagot ko ay totoo. May ilang totoo, may ilang hindi, at merong ilan na bunga lang ng aking imahinasyon. (Buti na lang hindi ko kamag-anak si Honesto.)

Habang nasa byahe, nagtanong si manong driver. "San pa kayo nauwi nyan, ma'am".

"Sa Paranaque pa ho."

"Ah. Tapos ganitong oras kayo umuuwi? Ang layo naman ng inuuwian ninyo sa trabaho ninyo."

"Ah, opo. Dyan lang may bakante eh."

Gaya ng sabi ko, hindi lahat ng sagot ko sa mga tinatanong sa akin at totoo. Friendly naman ang naging takbo ng conversation namin, pero nakikiramdam lang din ako sa mga tanong niya. Kailangan maging alisto.

Mukha namang mabait si kuya driver. May pagka chikadora nga lang. Kaso sa mga sumunod na tanong niya, hindi ko na alam kung ano at paano ko sasagutin.

"Eh nasaan po ang asawa ninyo, misis?"

Sa loob-loob ko, "echusero 'to ah. Mukha na ba talaga akong MISIS? At pati private life ko inuusisa?!" Pero siyempre, kalma lang dapat. Mahirap na.

"Ah, nasa abroad po e."

"Ganun ba misis (may emphasis ang salitang MISIS). Dapat dito na lang siya sa Pilipinas para may nagsusundo sa inyo. Gabi pa naman kayo umuuwi."

Sinagot ko na lang, "Hehe. Kelangan po e."

Panandaliang naputol ang kwentuhan namin ng pinatugtog sa radyo ang "Minsan Lang Kita Iibigin" ni Ariel Rivera. Dahil super favorite ko itong kantang ito, ninamnam ko muna ang bawat lyrics at melody.

Pagkatapos ng kanta, nagtanong na naman si manong driver. "Eh sino ang inuuwian mo sa Paranaque?"

"Magulang ko po". 

"Ah. Eh paano yung anak ninyo?"

"Magulang ko po". Inulit ko lang yung sagot ko, with same tone.

"Kaya pala sa magulang nyo kayo umuuwi", sabi ni driver habang nakatingin sa rear mirror.

"Pero misis, wag nyo sana masamain ha. Mukha ka pang bata. Wala sa itsura mo ang may anak." Pambobolang banggit nung driver.

Sa loob-loob ko na naman, "wala pala sa itsura ko, bakit misis agad ang ibinungad mo?"

Pero dedma lang ako sa sinabi nya. Nagtweet na lang ako ng "Etchuserang taxi driver. Humanda ka iboblog kita paguwi :))"



Dahil siguro wala na siyang ibang matanong, nagbago siya ng topic.

"Anong trabaho mo misis? Sa banko ka ba o opisina..."

"Teacher po ako."

"Ah talaga. Ayaw mo magpulis? Sayang eh, ang tangkad mo pa naman. Ano ba height mo?

Natawa ako sa offer niyang magpulis. Bagamat di ako sigurado, sabi ko na lang 5'5" ang height ko.

"Sayang yung height mo. Pwede ka namang magteacher at magpulis ng sabay. Pwede yun, dalawang trabaho.. Ako nga sideline ko lang itong pagtataxi eh."

Medyo napaisip ako sa sinabi nya. Kaya nagtanong ako. "Ano pa ho ba ang iba nyong trabaho bukod sa pagtataxi?"

"Pulis talaga ako sa araw. Sa gabi ako nagtataxi tsaka pagka off ko." sagot ni mamang driver.

"Ahhh. Talaga po? Ano na rango nyo", may pagka interesadong tanong ko.

"Sarhento. Sa Camp Bagong Diwa ako naka base", may pagpapakumbabang sagot niya.

"Eto po ID ko. Baka sabihin n'yo nagsisinungaling ako." sabay pakita ng ID.

"Wow ang galing naman! Eh mukhang ang bata pa ninyo ah. Ilang taon na ba kayo?"

"Trenta'y singko. Talagang nagfocus lang muna ako sa pagpupulis. Kaya nga hindi pa ako nagaasawa e. haha." natatawang sabi ni mamang driver.

Pero in fairness, may itsura naman si kuya driver. Kaso hindi ko na isusisa ang tungkol sa buhay niya. Mamaya ano pa isipin nya.

"Kung interesado kang magpulis, kuha ka lang ng exam sa NAPOLCOM. Pwede ka naman magturo sa loob ng kampo. May eskwelahan dun para sa mga detainee. Meron nga kami kasamahan teacher dun pero pulis din. Meron naman nurse na pulis.", kwento niya.

"Ah talaga po. Sige magiinquire ako."

Medyo nagkaroon ako ng bahagyang interes sa sinabi nya. May mga itatanong pa sana ako kaso malapit na ako bumaba.

"Dyan na lang po ako pagbaba ng tulay", sabi ko sa kanya habang tinuturo yung mga nakaparadang FX.

"Sige misis, pag interesado ka magpulis, hanapin mo lang ako sa Bagong Diwa. Tsaka kung kelangan mo ng taxi, mag text ka lang. Sa Taguig lang naman ako. Eto pala number ko..."sabay dikta sa number niya.

Sinave ko sa phone ko yung number. Sabay abot ng bayad.

"Sige po, sa inyo na yung sukli".

"Sige misis. Salamat. Ingat ha. Text ka na lang.", sabay andar ng taxi.


Paguwi ko dito sa bahay, sinearch ko sa phonebook ko yung sinave kong number niya na may pangalang "Sgt.".... sabay DELETE. :)