What is ChalkNot?

Tuesday, November 12, 2013

Lola Malyang

Isang madaling araw, bigla akong naalipungatan sa pagkakatulog ko. Nakita ko si Lola nasa loob ng kwarto.

"O, 'la. anjan ka po."

Si Lola Malyang.  Siya ang nanay ng nanay ko. Malambing. Mabait. Hindi marunong magalit. Kahit anong hirap ang pinagdadaanan, hindi ko siya narinig na dumaing. Sa kanya ako lumaki. Maliit pa lang akong bata ay siya na ang nagalaga sa akin. Palagi niya ako nun hinihiram kina Mama para magbakasyon sa bahay niya. Sa madalas na pagkakataon kasi noon, tanging ang portable TV niya na black and white at ang pusa niyang si Pelota ang kasama niya sa bahay. Kaya naman nung Grade 1 ako ay napagdesisyunan ng magulang ko na lumipat na lang kami at tumira sa bahay ni Lola.

Tuwing umaga ay ipinapasyal kami ng kapatid ko noon ni Lola sa may Irasan o asinan. Tuwang tuwa kasi ako kapag nasisikatan ng araw ang mga bundok ng asin. Kumikinang ito na parang mga diamante. Madalas rin kaming isama na magpipinsan ni Lola Malyang sa trabaho niya sa Greenhills. Isa kasi siyang taga burda nsa damit lalo na sa mga barong. Mahusay sa pagbuburda si Lola. Kaya naman nakapagtrabaho siya sa palasyo ng isang prinsipe ng Saudi para maging taga burda.

Nung nasa Saudi si Lola, hindi namin maiwasang magalala sa kanya. Lalo na't nung panahon na iyon ay sumiklab ang Gulf War. Wala pa naman kasing internet noon at cellphone para mas madaling macontact si Lola. Kinakailangan pa namin pumila ng mahaba sa PLDT para makapag overseas call. Nasubukan na rin naming makitawag sa DZRH sa programa ni Rey Langit na "Around The World with Love" kung saan may serbisyo silang Libreng Tawag overseas. At sa tuwing nagpapadala ng voice tape si Lola, hindi ko maiwasang mapaiyak kapag naririnig ko ang boses niya. Lalo akong naiyak noong nagrecord pa siya na inaawit niya ang "Handog" ni Florante.

Awa ng Dios ay nakauwi si Lola dito sa Pilipinas. Mula noon ay hindi na namin siya pinabalik ba sa ibang bansa kahit maganda pa ang offer. Ayaw na rin sana namin siya pagtrabahuin nun pero mas gusto daw niya ang may ginagawa. Kaya bumalik siya sa trabaho niya sa Greenhills.

Si Lola Malyang din ang nag-aalaga sa amin ng kapatid ko kapag nasa trabaho sina Mama at Papa. Hanggang sa nag high school na kami ay siya pa rin ang kasama namin. Kaya nga siguro pati yung ibang mga katangian niya ay namana ko na, gaya ng sobrang bagal kumilos. :)

Nakita ko rin kay Lola ang pagiging maka Dios. Palagi niya ako sinasabihan nun na magdasal lang palagi. Palaging humingi ng tulong sa Kanya, at Siya na ang bahala. Nung maanib sina Mama at Papa sa Church of God (Ang Dating Daan), nakikita ko si Lola na nakaupo sa may hagdan at pasimpleng nagsusulat ng mga talata sa biblia. Kung minsan nga, kahit siya lang mag-isa ay nanonood siya kay Bro. Eli.  Kaya nga nung nagtanong siya kung paano daw umanib sa ADD ay natuwa kami. Kaya sabi ko sa kanya nun, pagtungtong ko ng college, sabay na kami magpapadoktrina. Ilang buwan na lang naman yun.

Isang araw, napansin namin na parang tumataba si Lola. Pero iba ang pagkaka taba niya. Kapag hinawakan ko ang braso nya o kaya naman ang binti niya, lumulubog at nagmamarka ang daliri ko. Nung nagpacheck up siya, nalaman na mayroon siyang Kidney Failure. Hindi na nagfufunction ang kanyang bato at kumalat na ang tubig sa kanyang katawan. May ilang panahon pa na palang iniinda ni Lola ito, hindi lang siya nagsasabi sa amin. Ayaw daw niya kasing mag-alala kami o mapabigatan. 

Mula noon ay hindi na namin pinagtrabaho si Lola. Unti unti rin namin napansin ang paghina ng kanyang katawan. Hindi na niya nagagawang umakyat-baba sa hagdan. Palagi na lang siya nakahiga. Ayoko ng nakikitang pahina ng pahina si Lola. Pero sa kabila ng paghina ng kanyang katawan ay pilit niyang ipinapakitang kaya niya. Sa panahong ito, ako ang naging taga pag-alaga niya. Ito na rin marahil ang magandang pagkakataon para masuklian ko siya sa pag-aalagang ginawa niya sa akin mula ng maliit pa ako. Ako ang naging kasama niya palagi sa pagpapacheck up sa doktor.

Dahil mahal ko si Lola Malyang, halos lahat ng gusto niyang kainin ay ibinibigay ko. Nabigo lang akong mabigyan siya ng request niyang mami pagkatapos namin magpacheck up dahil malayo ang bilihan. Kaya sabi ko, mag spaghetti na lang kami sa McDo. Biniro ko pa siya na noodles rin naman yun, wala nga lang sabaw. Pumayag naman siya. Bakas sa mukha ni Lola na masaya siya habang kumakain ng spaghetti. Masaya rin ako dahil sa tagal naming magkasama ay first time namin kumain noon sa McDo na kaming dalawa lang.

Sa paglipas ng mga araw, napapansin naming hindi bumubuti ang kalagayan ni Lola Malyang kahit na anong gamot ang ireseta ng doktor. Kaya naman isang buwan bago ang kanyang kaarawan ay dinala na namin siya sa ospital para ipaconfine. Ang daming gamot na pinabibili ng doktor. Lahat, hindi tinatanggap ng katawan ni Lola. 

Dinala siya sa ICU. Umabot na daw ang tubig sa baga ni Lola. Kailangan siyang maobserbahan ng mga doktor. Hindi na rin namin makausap si Lola noon dahil natutulog siya. Mayroong oxygen at swerong nakakabit kay Lola. Nakikita ko, nahihirapan si Lola Malyang sa paghinga. Ayoko ng nakikita ko. Ayokong isipin na mawawala sa amin ang Lola Malyang ko.

Pasado alas-dose na nun. Kahit tulog siya ay nagpaalam na kami sa kanya. Unang araw kasi ng pasok ko sa college kinabukasan. Sabi ko kay lola, magpagaling siya. Kasi, meron pa kaming dapat  gawin. Magpapadoktrina pa kami.

Nakatulog ako sa bahay ng mamumugto ang mata kakaiyak.

Kinabukasan, gumising ako ng maaga para maghanda sa pagpasok. Di gaya ng ibang mga estudyante na excited sa unang araw ng klase bilang College, ako naman ay nagaalala pa rin sa kalagayan ni Lola Malyang. Bago bumangon ay nanalangin ako na sana, pagalingin Niya si Lola Malyang. Pag gumaling siya, pangako ko, magpapadoktrina kaming dalawa.

Pagbaba ko, nakita ko si Mama at ang tito ko na kapatid niya sa kusina. Tahimik. Tinanong ko sila. "Kumusta si Lola?"

Sumagot si Mama, malumanay. 

"Wala na si Lola mo nak e."

"Ah, ok po. Ligo na ako Ma."

Hindi ako nagpakita ng kalungkutan kina Mama. Dahil alam kong iiyak sila pagka umiyak ako. Kaya pagpasok ko sa banyo, dun ko na ibinuhos lahat.

Alam kong darating kami sa ganitong sitwasyon. Handa na naman ang kalooban ko. Nauunawaan ko rin na kalooban ito ng Dios para huwag na mahirapan pa si Lola. Pero masakit at nakakalungkot pa rin dahil alam kong mawawala na sa amin si Lola Malyang habambuhay. Hindi lang ito kagaya ng pag-alis niya papunta sa Saudi. Hindi ko na makikita ulit si Lola Malyang.

Halos isang buwan pagkatapos mailibing si Lola Malyang, at pagkatapos namin ipagdiwang ang kaarawan namin, nagdesisyon ako na magpadoktrina. Kahit wala na si Lola Malyang, itinuloy ko ang pagpapadoktrina ko. At awa ng Dios ay naging kaanib na ako sa Church of God. Nagpadoktrina ako dahil bukod sa alam kong ito ang totoo, alam ko ring ito rin ang gusto ng Lola ko.


Isang madaling araw, bigla akong naalipungatan sa pagkakatulog ko. Nakita ko si Lola sa kwarto.

"O, 'la. anjan ka po."

"Wala lang 'day. Kinumusta ko lang kayo"

"Ayos lang naman kami 'la. Ikaw po?"

Ngumiti si Lola.

Gusto ko sana bumangon at yakapin si Lola nun. Pero bigla na akong nagising, na lumuluha.

Sana, magkita ulit kami ni Lola Malyang. Kung hindi man dito, kahit doon sana sa buhay na darating.