Pasado alas-9 na ng gabi nung nakasakay ako ng shuttle sa Ayala pauwi sa amin. Medyo masakit na ang paa ko dahil sa maghapong paggawa (at dahil bago ang sapatos ko courtesy ng tatay ko. Tenks dad :D). Badtrip nga lang at hindi van ang natyempuhan kong shuttle kundi isang L300 na FB. Pero keri na rin, ang mahalaga, makauwi agad dahil gusto ko nang magrelax sa sala naming dim ang ilaw, umupo sa sofa, ipatong ang paa at magpatugtog ng CD ng Romance Revisited ni Christian Bautista.
Pagsakay ko sa FB, may nakaupo na sa paborito kong pwesto ng sasakyan, sa pinakadulong upuan sa bandang likod ng driver. Gusto ko umupo dun dahil hindi masyadong tutok sa aircon at maliit na electric fan lang ang katapat. Madali kasi akong ginawin. Kaya nga kahit gusto kong makakita ng snow, di ko pa rin pinangarap na tumira sa bansang sobrang lamig na kulang na lang ay manigas pati mga lamang loob mo sa lamig. Since may nakaupo na sa paborito kong pwesto, dun na lang ako naupo sa bandang gitnang bahagi ng mahabang upuan. Kitang kita ko tuloy ang lahat ng nakaupo sa katapat na upuan.
Habang nasa byahe, di ko na natiis na hindi inumin ang Quickly na binili ko para sana pasalubong sa kapatid ko. Pero sabi ko, baka tulog na yun. Kesa masayang, ako na lang iinom. Habang sinisipsip ko ang taro at nago gamit ang malaking straw na kasing laki ata ng tubo ng oxygen sa ospital, naagaw ang atensyon ko sa dalawang magsyota na nakaupo sa pinaka dulong upuan, bandang likuran ng katabing upuan ng driver. (Kuha niyo? O gusto n'yo idrowing ko pa). Ow Em Ji. Di ko kinaya ang eksena nila, kahit ang Nago na nginunguya ko ay nag-aaklas na muntik pang umeksit sa ilong ko. Paano ba naman, daig pa ang pusang di maihi na naglilingkisan. Si girl, nakasandal ang ulo sa balikat ni boy, kulang na lang magkapalitan sila ng mukha. Tapos sobra pa kung makakapit sa braso ng jowawi nya, kulang na lang eh matanggal ang braso ng lalaki. Si lalaki naman, hawi ng hawi sa buhok at nilalagay sa likod ng tenga ni babae, na di ko alam kung nababakla na ba ito o nainsecure sa shiny, bouncing hair ng GF nya. Kahit madilim sa loob ng FB, kitang kita pa rin ang kanilang paglilingkisan dahil sa mga ilaw sa poste at mga nakakabulag na headlight ng sasakyan sa kahabaan ng EDSA. Kahit na pinagtitinginan na sila ng mga pasahero sa FB, wapakels pa rin ang dalawang love birds na animo'y sila lang ang tao sa mundo. Siguro feeling nila, inggit lang ang mga tao sa kanila. Yung katabi ko nga na binatilyo, nakikipagsenyasan sa katropa niyang nakaupo sa harap niya at sinesenyas yung magsyota, tapos tatawanan nila. Yung ibang babae na pasahero naman, halatang asiwa sa dalawa. Yung mag-asawa naman na pasahero din, dedma lang. Siguro narerealize nila kung gaano sila ka-corny nung magjowa pa lang sila.
Pero sa totoo lang, bakit kailangan pa ipakita sa publiko ng ibang magsyota kung gaano sila ka-sweet. Bakit kailangan pa nilang mag PDA o Public Display of Affection samantalang pupuwede naman na magsuwit-sweet-an sila kung sila na lang. Tutal wala naman pakialam ang ibang tao sa kanila. Hindi naman dahil sa ako ay Bitter Ocampo kung kaya ko nasasabi ito, kundi sadyang nakakasiwa lang. Gusto ko nga makipagpustahan ng walang taya sa mga kasabayan kong pasahero eh. Pusta ko, pagka kinasal na kaya yung dalawa at may mga anak na sila, magagawa pa ba nilang maglampungan pa sa publiko?
May ilan akong nakakausap patungkol sa pananaw nila sa pag-aasawa. Sabi nila, dapat mag-asawa daw ng mga nasa early 20s para kung magkakaanak, hindi malayo ang edad mo sa anak mo. Kaya ba ang nanay ko e bente anyos lang ang tanda sa akin? Sabi naman ng iba, dapat bago ka magtrenta ay magasawa ka na. Kaya ba yung iba eh takot na takot na parang may sasabog na time bomb kapag trenta na sila ay di pa sila nagaasawa? Kaya naman kahit sino na lang ang dumating, keri na yan! At baka mahuli pa daw sa biyahe. Kako, saan naman papunta ang biyahe na iyan. Kung ang destinasyon ng biyahe mo e papunta sa dagat-dagatang apoy, ay di bale na lang. Maghihintay na lang ako ng last trip kung meron pa.
Gaya nga ng kasabihan ng mga matatanda, ang pag-aasawa ay di gaya ng kaning maiinit na pagka isinubo at napaso, pupuwede mo iluwa. Gasgas na kasabihan pero totoo. Walang solian ng asawa. Kahit na madiskubre mong may kurikong pala sa hita si lalaki o kaya ay naghihilik sa gabi si babae. Wala ring solian ng asawa lalu na kung nakatagpo ka ng biyenan na bumubuga ng apoy. Wala ring solian kung madiskubre mong di kayo talo ng misis mo dahil siya pala ay isang produkto ng makabagong siyensa mula sa Thailand.
Sa pag-aasawa kasi, napakarami mong dapat na isaalang-alang. Una, physically, emotionally, psychologically at mentally fit na ba kayo upang lumagay sa magulo, este sa tahimik? Baka naman konting tampuhan lang ninyong mag-asawa eh tatakbo ka sa magulang mo at magsusumbong ka na “Nay, inaway po ako ng asawa ko. Di na natin siya bati!”. Ikalawa, dapat mayroon kayong sariling tahanan. Di pwedeng sama sama sa iisang bubong. Dapat bubukod sa magulang, bagama’t napaka-common na yung nakiki-tira pa rin ang bagong mag-asawa sa magulang pero hindi dapat ganun. Mahirap makipag-agawan ng remote ng TV sa biyenan lalo na kung siya ang may-ari ng bahay. Isa pa, dapat ay may trabaho na sasapat sa pangangailangan ninyong mag-asawa at sa mga iba’t-ibang bayarin. Hindi sapat yung nagmamahalan kayo para kayo ay magsama. Di naman makakabusog ang pagmamahalan. Parang yung baraks ng mga kasamahan ko na mga lalaki sa Cubao. Palibhasa walang makain, nagmamahalan na lang daw sila. Tapos idagdag mo pa, paano kung magkakaanak na kayo? Ano ang ipapakain ninyo sa anak ninyo kung sa inyo nga lang na mag-asawa ay di na sapat ang kinikita ninyo? Di naman pupuwedeng AmBoy ang magiging anak ninyo na walang ibang laman ang tiyan kundi Am.
Kamakailan lang ay nanganak yung dalawang pinsan kong babae (alangan namang yung lalaki, wala naman kaming lahing seahorse). Parehong July pa ipinanganak yung dalawang babies, pareho pang babae. Sabi ko sa sarili ko, mukhang dumadami na kaming magkakauri na July ipinanganak. Anim na kami sa angkan namin na July ipinanganak. At nagkataon lang siguro na pare-pareho din kami ng ugali. Bratinella.
Pangalawang anak na nung mas matanda kong pinsan. At gaya ng ginawa niya sa una niyang anak, nangsosolisit siya ng mga regalo sa mga pinsan, tiyo at tiya. Kala mo ay captain ball ng basketball na nangsosolisit para sa palaro sa baranggay. Sinabihan niya ako na sagot ko na daw ang crib o kaya stroller. Yun ang pinaka mahal sa lahat ng mga nasa listahan niya. Tutal, kaya ko naman daw yun dahil may trabaho naman ako at wala naman daw ako anak. Sabi ko sa sarili ko, kaya nga ako di nag-aanak dahil ayaw ko bumili ng mga ganun no! Pagapangin nya kako sa sahig yung anak nya. Pero dahil sa naalala ko yung paksa tungkol sa mga bata, sabi ko na lang, sige sagot ko na lang diaper.
Ako ang panganay sa aming magkapatid. Pero sa edad kong ito, wala pa talaga ako balak na mag-asawa o magka-jowa man lang. Dahil na rin sa madaming trabaho ang titser kaya wala na talagang oras sa mga ganyan lalo na kung devoted ka sa propesyong ito. Sabi nila, ganun daw talaga ang mga titser. Pagpumasok ka sa propesyong ito, sa malamang ay tatanda kang dalaga, o kaya naman ay kung makakapag-asawa ka eh yung kapwa mo titser, sa kabila ng katotohanang ang ratio ng titser na lalaki sa titser na babae ay 1:20. Ibig sabihin, dalawampu kayong makikipag-agawan sa iisang lalaki, di mo pa alam kung yun ay isang Beki. Kaya sa malamang, yung pagiging matandang dalaga ang magiging tadhana mo. Pero di ako ganap na naniniwala dun. Dahil may mga kakilala akong mga titser na nakapangasawa ng mga foreigner. Yun ay noong nagtrabaho sila bilang DH sa ibang bansa.
Masaya ako sa buhay kong ganito. Mas marami akong nagagawa. Bagama’t nakikita ko sa magulang ko na masaya sila kapag may bata sa bahay, nauunawaan nila ang kalagayan ko. Pero minsan, napag-iisip rin ako, hindi dahil sa may balak ako. Iniisip ko lang ano kaya ang mangyayari kung halimbawang nasa kalagayan ako na may anak na inaalagaan? Makakakain pa kaya ako sa mga restaurant na gusto ko? Mabibili ko pa rin ba kaya lahat ng mga damit at gadget na gusto ko? Makakapunta pa kaya ako sa iba’t-ibang bansa? Magagawa ko pa kaya na gampanan yung lahat ng mga ginagawa ko ngayon? Sa malamang hindi. Pero yung paksa tungkol sa pagmamahal sa mga bata, tumanim sa isip ko yun. At alam ko na hindi naman ang pinatutungkulan lamang nun ay yung anak na galing sa sinapupunan ng isang ina. Naalala ko yung kaibigan ko na gusto daw niya magkaanak para makasunod sa utos na ibigin ang mga bata. Sa loob loob ko, napakaraming bata sa eskwelahan ang uhaw sa edukasyon dahil mismong amg mga magulang nila, di sila kaya turuan. Napakaraming bata ngayon sa bahay ampunan na naghahanap ng pagmamahal. Hindi kinakailangang galing sa sarili mong laman at dugo ang sanggol para makasunod na ibigin ang mga bata. Pupwede kang maging alagad ng edukasyon para magkaroon ng pagkakataong magmahal ng isa hanggang sikwentang bata sa isang classroom ng sabay-sabay. O kaya naman pupwede ka rin naman magbawas ng isa sa populasyon ng mga batang inabandona ng mga walang puso nilang magulang sa bahay-ampunan. Nagagawa ko na yung nauna awa't tulong, gusto ko namang subukan yung pangalawa. Pero yun ay ayon pa rin sa kalooban Niya. Malay ninyo, di ba?