What is ChalkNot?

Wednesday, November 16, 2011

An Interrupted Ambition


Kapag tinatanong ako noong maliit pa ako kung ano ang gusto ko maging paglaki ko, ang isinasagot ko palagi ay "gusto ko maging teacher." Kung may mga batang natatakot sa mga teachers nila, ako yata yung kabaligtaran. Kahit anong sungit ng ibang mga naging teachers ko, hinahangaan ko pa rin sila. Gustong gusto ko makipaglaro ng titser-titseran. Mahilig din ako magbasa at umalam ng mga bagay-bagay (gaya ng pagsilip ko sa likod ng TV namin para malaman kung saan nanggagaling yung mga taong nakikita ko sa TV screen). Palagi ko rin sinusulatan yung pader namin sa bahay at ginagawa kong chalk board. (Kaya binilhan ako ng magulang ko ng chalk board na may naka pintang alphabets, numbers at orasan na may kamay na naiikot). At kapag sardinas ang ulam namin, tuwang tuwa ako kasi kinukuha ko yung takip ng lata ng sardinas, pinipipi para gawing medal. Mas umigting pa ang pangarap kong maging teacher noong elementary ako. Palagi kong sagot sa tanong sa slum book na "What is your ambition?" ay "To be a teacher". Hinangaan ko rin ang mga naging guro ko noon. Naranasan ko rinng maging student-teacher kapag absent ang teacher namin.


Pero nung nag-aral na ako ng high school, nag-iba ang pananaw ko. Mas naging exposed ako sa iba't ibang propesyon. Mas marami akong nalamang mga kurso na pupwede kunin. Nadiskubre ko rin ang iba't ibang talento at katangian na meron ako. Sa lahat ng subjects ko, Math ang pinka gusto ko at dun ako nageexcel. Nadiskubre ko na may kaunting talento din ako sa pagguhit. Nagbubutingting ako ng kung anu-anong mga gamit. Nahiligan ko ang tumugtog ng mga musical instruments. Naging interes ko ang pag-arte sa entablado. Naibigan ko ang Physics. Nagustuhan ko ang pagsali sa iba't ibang organisasyon. Masyado ako nalibang sa iba't ibang pinagkaabalahan ko. Unti-unti kong nakakalimutan ang hilig ko sa pagtuturo at ng pangarap kong maging guro. Lalo na noong nagsagawa sa school namin ng Career Awareness Seminar. Sabi sa seminar, kung ano ang interes at hilig mo, kaugnay nun dapat ang kukunin mong kurso para maenjoy mo ang college at di mo pagsisihan sa huli. Kaya bago ako magtake ng mga college entrance exams, inassess ko ang sarili ko ano ba ang hilig ko. Mabuti na yung sigurado kesa sa mapilitan at bandang huli, pagsisihan ko. Kailangan maging maingat sa pagpili ng kurso lalo na't gagastusan ako ng magulang ko.

UP, UST, Mapua. Tatlo lang na eskwelahan na kinuhanan ko ng entrance exam. Lahat ng first choice ko ay ECE. Base sa ipinayo sa akin noong Career Awareness Seminar namin, ito daw ang nababagay na kurso sa akin dahil sa mga interes ko (at para hindi na ako sumilip sa likod ng TV para malaman kung papaano nagkakaroon ng tao sa tv screen). Second choice ko sa UP ang Organizational Communication, third choice ang Theater Arts. Sa UST at Mapua naman, second choice ko ang architecture, third choice ang Civil Engineering. Lahat ng pinili ko, base sa mga interes ko. Pero nakalimutan kong piliin ang unang naging ambisyon ko -- ang pagtuturo.

Sa Mapua ko iginugol ang unang kabanata ng buhay kolehiyo ko. Dun daw kasi maganda mag-aral ng engineering. Pride na rin para masabing nag-aaral ako sa pamantasang kilala sa kursong kinuha ko. Gusto rin ng mga magulang ko dahil kaya pa naman nila ako pag-aralin nun. Masaya ako dahil matutupad ang pangarap ko na maging Electronics and Communications Engineer at makapagtrabaho sa isang TV Station. Kahit makita lang yung pangalan ko sa tuwing magsisign on at sign off ang TV, ok lang sa akin yun. Ang mahalaga, nasa TV station ako. Pero dahil sa iba't ibang mga di inaasahan pangyayari, kinakailangan ko mamili. Kailangan ko magtrabaho muna at iwan pansamantala ang pagaaral, o kaya ay pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral pero sa ibang eskwelahan.

Dahil sa gusto ko pa rin makapagtapos ng ECE, sinubukan kong pumunta sa UST para magtransfer. Meron daw kasi sila inooffer na student assistance program. Abril na noon. Tapos na ang mga entrance exams. Nagbakasakali na lang ako na baka pupwede pa ako tangapin bilang transferee. Pero sa pagsakay ko ng jeep sa kahabaan ng Espanya, di ko napansin na lumampas na pala ako sa UST. Sumakay ulit ako ng jeep para bumalik, pero lumampas na naman ako at di ko napansin ang UST. Sa di maipaliwanag na dahilan (o baka dahil sa tatanga-tanga lang talaga ako magcommute noon), palagi ako lumalampas at di ko nakikita ang malaking gusali ng UST . Halos nawawalan na ako ng pagasa na makapagaral pa. Sa lungkot ko, pumara nalang ako at bumaba ng jeep. Pagbaba ko, nasa Taft Avenue na pala ako, sa tapat ng PNU, ang pamantasang kilala sa Teacher Education. Nagbakasakali na pupuwede pa makapag-aral kahit ibang kurso na lang, kahit yung nauna kong pangarap na lang. Sakto, ilang araw na lang, schedule na ng entrance exam para sa last batch ng applicants. Kahit papaano, nakaabot pa rin. Awa ng Dios, nakapasa naman.

Hindi ko alam noon kung ano ang plano Niya para sa akin. Gusto kong magtapos ng engineering pero ang pagkakataon ang nagdala sa akin para education ang ituloy kong kurso. Bagama't hindi ko na magagawang matapos pa ang una kong kurso, alam kong Siya ang gumawa ng paraan para maipagpatuloy ako ang nainterrupt kong pangarap. Di ko man lubos na naiintindihan noon, alam kong ipapa unawa din Niya kung ano ang dahilan. At ganun nga ang nangyari sa mga sumunod na panahon. Mayroon talagang dahilan ang bawat pangyayari at bawat bagay.


(to be continued)

2 comments:

  1. Saan na po ang kadugtong nito?

    ReplyDelete
  2. Great and that i have a super offer: Who Repairs House Windows house renovation budget template

    ReplyDelete